Isang alarm clock na napagkamalang bomba ang nagdulot ng takot sa mga residente ng isang condominium tower sa Malate, Maynila kahapon ng umaga, kasunod ng ng aktuwal na bomb threat na natanggap ng isang hotel sa nasabi ring lugar, nitong Miyerkules.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Explosives and Ordnance Division (MPD-EOD), nabatid na isang trabahador ang nakadiskubre ng alarm clock, na ang disenyo ay binigkis na dinamitang may timer, kaya inakalang pampasabog ito.

Nadiskubre umano ng trabahador ang napagkamalang bomba sa loob ng basurahan sa ika-29 na palapag ng Birch Tower Condominium sa Jorge Bocobo Street, pasado 10:00 ng umaga.

Agad namang dinala ng mga empleyado sa kalsada ang inakalang bomba at tumawag ng mga pulis, kasabay ng paglilikas sa lahat ng nasa gusali.

National

‘We did not do anything about it:’ Mayor Leni, nagsising 'di naaksyunan agad online trolling!

Sa pagbusisi ng bomb squad sa bomba ay natuklasan nilang alarm clock lang ito.

Ayon kay Senior Insp. Arnold Santos, hepe ng MPD-EOD, ito na ang ikalawang beses na rumesponde sila sa isang alarm clock na napagkamalang bomba.

Nauna rito, 12:30 ng tanghali nitong Miyerkules nang makatanggap ng bomb threat ang Manila Crown Palace Hotel sa Adriatico Street corner Alonzo Street sa Malate.

Nabatid na isang tawag ang natanggap ng isang Camille Maraya, at nagbantang isang bomba ang sasabog sa naturang hotel, pero nagnegatibo ito.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa bomb threat ang isang gusali sa kanto ng Kalaw at Taft Avenue sa Ermita, kung saan nag-oopisina ang Maritime Industry Authority (MARINA) at ilang sangay ng Manila Metropolitan Trial Court (MeTC).

Ayon kay Glecerio Sayas, guard on duty ng Park View Plaza, dakong 2:55 ng tanghali kahapon nang makatanggap ng tawag si Steven Dela Peña, isa sa mga trainee ng Ocean Wave, training center para sa mga seaman.

Sinabihan umano siya ng tumawag na may sasabog sa ikaanim at ikapitong palapag ng gusali.

Isa pang staff sa Pentagon Training Center na nasa gusali rin ang nakatanggap ng kaparehong tawag.

Kaagad na lumikas ang mga nag-oopisina sa Park View Plaza at ini-report ang insidente sa MPD-EOD, pero nagnegatibo rin sa bomba ang gusali. (Mary Ann Santiago)