Pinalaya nitong Martes ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu ang municipal treasurer na dinukot nito sa Zamboanga Sibugay mahigit tatlong buwan na ang nakalilipas.

Ayon sa report ng Sulu Police Provincial Office (SPPO), Martes ng gabi nang palayain ng mga bandido si Elmer Romoc, municipal treasurer ng Payao, Zamboanga Sibugay.

Dumating kahapon ng umaga sa Zamboanga City si Romoc at dumiretso sa Payao para makapiling ang asawang si Nora Romoc.

Agosto 5, 2016 nang pasukin ng mga bandido ang bahay ng mag-asawang Elmer at Nora sa Payao at puwersahang tinangay ang dalawa kasama ang walong taong gulang nilang anak na lalaki.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Agosto 23 naman nang palayain ng ASG ang ginang matapos na humingi ng ransom ang mga bandido at naiwan ang mag-ama.

Ayon kay Elmer, pinalaya siya ng mga kidnapper subalit naiwan doon ang kanyang anak.

Hindi naman malinaw kung bakit hindi kasama ang bata sa pagpapalaya sa ama nito.

Sa ngayon, hindi pa mabatid kung magkano ang ibinayad na ransom money ng pamilya Romoc kapalit ng pagpapalaya sa mag-asawa, na una nang napaulat na palalayain kapalit ng P1 milyon ransom.

Napag-alaman ng pulisya na puspusan ang pagbebenta ng pamilya Romoc sa mga natitira nitong ari-arian upang makumpleto ang ransom na hinihingi ng Abu Sayyaf. (FER TABOY)