Ginapi ng defending champion National University ang Ateneo, 73-68, para sa ikalawang sunod na panalo habang nakalikha ng kasaysayan ang University of the East kahapon sa UAAP juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre.

Hataw si Winderlich Coyoca sa natipang 20 puntos para sandigan ang Bullpups sa impresibong panalo.

Maaga ring nagparamdam ang Adamson University nang pabagsakin ang FEU-Diliman, 78-65, at makisosyo sa maagang liderato sa NU.

Nanguna si Gerry Abadiano sa naiskor na 14 puntos.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Natuldukan naman ng University of the East ang 29-year losing skid sa University of Santo Tomas nang maitarak ang 87-77 panalo kontra sa Espana-based cagers.

Umiskor ng tig-19 puntos sina Dustin Angeles at Rey Balundo para sa makasaysayang tagumpay ng Junior Warriors.

Kumubra naman si Juan Gomez De Liaño, nakababatang kapatid ni UP rookie Javi, ng 20 puntos, siyam na rebound at anim na assist sa 81-59 panalo ng UP Integrated School kontra La Salle-Zobel.

Ito ang unang panalo ng UP sa pangangasiwa ni coach Paolo Mendoza. (Marivic Awitan)