Nag-alok ng P1 milyong reward ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para sa ikadarakip ni Ronnie Dayan, ang dating drayber, umano’y lover at sinasabing bagman ni Senator Leila De Lima.
Sa isang press conference sa Quezon City, binanggit ni Ferdinand Topacio, abogado ng VACC, na nagmula ang naturang pondo sa mga nagmamalasakit na mamamayan.
Inilabas ang arrest warrant laban kay Dayan nang isnabin nito ang House investigation kaugnay ng paglaganap ng ilegal na droga sa National Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Topacio na magdidikit sila ng ‘wanted’ posters ni Dayan sa iba’t ibang lugar sa bansa matapos silang makipagtulungan sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa usapin.
Alegasyon vs De Lima tumibay?
Matapos aminin ni De Lima nitong Lunes na nagkaroon sila ng relasyon ni Dayan, sinabi naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre III na ito na ang magdidiin sa Senadora sa alegasyong sangkot siya sa illegal drug trade sa NBP.
“Hindi niya masasabi na lahat ng sinabi ko noong una ay kabulastugan o gawa-gawa ko lamang. Ngayon siya na mismo ang nag-admit na ‘yung dating tinatangging relasyon nila ay totoo pala,” ani Aguirre.
Inatasan na ni Aguirre ang National Bureau of Investigation (NBI) para kunin ang kopya ng interview kay De Lima na gagamitin naman sa korte laban sa Senadora.
“Yung pag-admit niya, gumaan ang trabaho ng prosecution at bumigat ang pagdepensa niya sa sarili nya,” ani Aguirre.
Sa kasalukuyan, ang Department of Justice (DoJ) ay abala sa pagdaraos ng preliminary investigation hinggil sa mga kasong isinampa laban kay De Lima.
Dehado sa disbarment
Apektado rin umano ang disbarment case na kinakaharap ni De Lima sa kanyang ginawang pag-amin.
Si De Lima ay sinampahan ng disbarment case sa Supreme Court (SC) ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), nina dating NBI deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala, at ng whistleblower na si Sandra Cam. Dapat umanong ma-disbar si De Lima dahil sa gross immorality at paglabag sa Lawyers Oath at Code of Professional Responsibility.
“Wala nang dapat i-prove ‘yung mga complainants sa disbarment sapagkat lumalabas na talagang siya’y nakiapid sa taong may asawa,” ani Aguirre. (ROMMEL P. TABBAD at JEFF DAMICOG)