Tatangkain ni dating OPBF super welterweight champion Dennis Laurente ng Pilipinas na makabalik sa world ranking sa pagkasa sa walang talong si WBC Asian Boxing Council Silver light middleweight titlist Magomed Kurbanov sa Sabado sa Ekaterinburg, Russia.

Galing si Laurente sa dalawang magkasunod na pagkatalo kina John Jacson na umagaw sa kanyang WBC ranking at sa kontrobersiyal na 12-round split decision kay OPBF super welterweight champion Takayuki Hosokawa.

Ngunit, inaasahang makikipagpukpukan si Laurente kay Kurbanov na bagama’t may perpektong rekord na 8-0, tampok ang pitong TKO, kapos ito sa karanasan kumpara sa kanyang marka na 50-7-5, kabilang ang 30 panalo sa knockout.

Matagal sa WBC rankings si Laurente bilang welterweight at super welterweight contender pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataon sa world title bout kahit nagwagi sa anim na laban sa United States dahil ang naghahari sa dalawang dibisyon ay si dating pound-for-pound king Floyd Mayweather Jr.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Sa undercard ng laban ni Laurente, tatangkain ni dating interim OPBF super featherweight champion Carlo Magali ng Pilipinas na maagaw ang korona ni WBC ABC lightweight champion Pavel Malikov ng Russia. Samantala, paglalabanan nina Jerry Castroverde ng Pilipinas at Shavkat Rakhimov ng Tajikistan ang bakanteng WBO Youth Intercontinental junior lightweight crown. (Gilbert Espeña)