Iginiit ni Senator Bam Aquino na hindi lamang nakatuon sa dalawang pamilya ang usapin sa batas militar, kundi maging sa libu-libong pamilya na hanggang ngayon ay nahihirapan pa dahil sa malagim na kasaysayan ng bansa.

“Nahihiya ako kapag sinasabi na ito’y issue lang ng Aquino at Marcos. Nahihiya ako sa libu-libong namatay, sa libu-libong nawala, sa libu-libong na-torture. Ang isyu po ng libing ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay hindi lang isyu ng ilang pamilya. Hindi lang po ito isyu ng mga biktima ng martial law, kundi isyu ng ating bayan at ng ating kasaysayan,” ayon kay Aquino.

Ang pahayag ay ginawa ni Aquino sa idinaos na botohan ukol sa resolusyon na nagsasabing hindi karapat-dapat ilibing si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani dahil sa kanyang mga ginawang krimen sa bayan.

Walong senador, kabilang si Aquino, ang bumoto pabor sa resolusyon ngunit hindi ito naaprubahan matapos mabigong makakuha ng 11 boto na katumbas ng mayorya.

Probinsya

Casualties sa nagpapatuloy na “search and rescue” sa MV Trisha Kerstin 3, umakyat na sa 51

Hindi bayani

Nanindigan naman ang isang Obispo ng Simbahang Katoliko na hindi bayani si Marcos.

“Ang desisyon nila ay nakakalungkot, binalewala ang mga human rights violation ni Marcos. Hindi naman matatapos itong problema natin, ‘yung issue na ‘yan sa kanilang desisyon. Ang tingin namin, ang tingin ko hindi makatotohanan kasi hindi naman inaamin ng mga Marcoses na nagkamali sila at hindi naman talaga siya hero,” ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). (Leonel Abasola at Leslie Ann G. Aquino)