DAVAO CITY – Isa pang bata ang namatay sa pagmamalupit ng mga taong dapat ay nag-aalaga sa kanya, matapos na isang dalawang taong gulang na lalaki ang pinatay sa gulpi nitong Linggo, sa lungsod na ito.
Sa panayam kahapon, nangako si Mayor Sara Z. Duterte ng hustisya sa pagkamatay ni John Earl, na isinako bago pinagpapalo umano ng sinturon nina Sarah Jane at Ronilo Alcain sa Barangay Calinan.
Sinabi ng alkalde na isang special prosecutor ang magiging kinatawan ng gobyerno sa kaso laban sa mag-asawa, na inaming sinaktan nila ang bata dahil umihi ito sa salawal.
Ayon sa mga saksi, isinilid ng mag-asawa sa sako si John Earl at pinagpapalo ng sinturon.
Idinagdag ni Duterte na inatasan niya ang Davao City Police Office na madaliin ang pag-aawtopsiya sa biktima.
Sinagot naman ng City Social Services and Development Office ang gastusin sa paglilibing sa paslit.
Kaugnay nito, hinimok ni Duterte ang publiko na gamitin ang Kean Gabriel child abuse hotline (0908-8184444), upang maiwasan na ang mga pang-aabuso at pananakit sa bata.
Ang hotline ay ipinangalan sa apat na taong gulang na bata na namatay sa kamay ng sarili niyang ama sa Bgy. Matina Pangi. (Yas D. Ocampo)