Suns, pinagmalupitan ng ‘Big Three’ ng Warriors.

OAKLAND, Calif. (AP) – Naglalagablab ang outside shooting ng Warriors at sa isang kisap-mata walang dudang susuko ang karibal sa lupit nang tinaguriang ‘team to beat’ ngayong NBA season.

Ratsada si Klay Thompson sa naisalpak na limang three-pointer, tampok ang dalawa sa fourth period para sa kabuuang season-high 30 puntos, kung saan napalawig ng Golden State ang bentahe tungo sa 133-120 panalo kontra Phoenix Suns nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Nagbuslo rin si NBA back-to-back MVP Steph Curry ng limang triples para pantayan ang 30 puntos ni Thompson, habang kumana si Kevin Durant ng 29 puntos, kabilang ang dalawa sa rainbow area.

After 28 years: Thomasian student, naka-gintong medalya sa World Taekwondo Junior Championship

Naitala ng Warriors ang ikaapat na sunod na panalo at ikapito sa siyam na laro.

Umiskor ng double digit ang anim na Suns, sa pangunguna nina Eric Bledsoe at TJ Warren na kumana ng tig-20 puntos.

Nag-ambag si Devin Booker ng 19 at 14 puntos,.

CAVS 100, HORNETS 93

Sa Cleveland, ginapi ng Cavaliers ang Charlotte Hornets para manatiling nangunguna sa Eastern Conference tangan ang 8-1 karta.

Hataw si LeBron James sa naiskor na 19 puntos, habang kumana si Channing Frye ng season-high 20 puntos.

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 19 puntos, habang kumubra si Kevin Love ng 17 puntos para sa Cavaliers, sunod na mapapalaban sa matikas din sa dibisyon na Toronto Rraptors.

Nakihamok ang Hornets mula sa 10 puntos na paghahabol at nagawang maagaw ang bentahe sa kaagahan ng final period.

Ngunit, nabigo silang masustinahan ang opensa.

Nagsalansan si Kemba Walker ng 21 puntos, habang nag-ambag si Marvin Williams ng 16 puntos para sa Charlotte.

MAGIC 119, THUNDER 117

Sa Oklahoma City, nagbalik si Serge Ibaka sa dating tahanan para ipadama ang ngitngit ng paghihiganti nang maisalpak ang game-winning jumper.

Natigagal ang home crowd sa Chesapeake Energy Arena nang maisalpak ni Ibaka ang jumper may 0.4 segundo. Nabigo si Nick Collison na maagaw ang kabayanihan nang sumbaly sa huling tira mula sa pasa ni Russel Westbrook.

Kumubra si Ibaka ng career-high 31 puntos, siyam na rebound at apat na block para sa ikalimang panalo ng Magic.

Natamo ng Oklahoma City ang ikaapat na sunod na kabiguan matapos ang impresibong 6-1 simula.

Nagtabla ang iskor sa 117-all mula sa jumper ni Evan Fournier may 29 segundo sa laro, habang nabigo si Westbrook na muling maiabante ang Thunder may 11 segundo ang nalalabi.

Kaagad na huminge ng time out ang Magic na naging dahilan sa game-winning shot ni Ibaka.

WOLVES 125, LAKERS 99

Sa duwelo ng dalawang batang koponan, naungusan ng Minnessota Timberwolves, sa pangunguna nina Andrew Wiggins na may career-high 47 puntos, at Karl Anthony Towns para sa double-double at tagumpay ng Minnesota.

Kumana si Wiggins ng 14-of-21 shot, para sandigan ang matikas na opensa ng Wolves sa first half, at paghandaan ang opensa ng karibal sa final period.

Umiskor si Anthony-Towns ng 22 puntos at 12 rebound, habang tumipa si Nemanja Bjelica ng 24 puntos, tampok ang limang three-pointer para sa ikatlong panalo ng Wolves sa siyam na laban.

Nanguna si Lou Williams na may 17 puntos para sa Lakers (6-5).