ISA si Liza Soberano sa mga kabataang artista na nagbibigay ng mataas na pagpapahalaga sa edukasyon, sa kabila ng katotohanan na siya ang isa sa may pinakamagandang mukha, pinakamalaki ang kinikita, at pinakasikat sa kasalukuyan sa mga kapanabayan niya.
Kung ilang beses na niyang binalak na ipagpapatuloy ang pag-aaral pero dala ng napakaraming trabaho, hindi ito nangyari.
Sweet eighteen na si Liza at inihayag na ito ang tamang panahon upang magbalik siya sa pag-aaral para makapagtapos ng college.
Business course ang kukunin niya na sisikapin niyang matapos sa loob ng apat na taon, sa Southville International School.
“Sadyang mahirap pagsabayin ang showbiz at schooling pero desidido akong igapang ang pag-aaral para na rin sa magandang kinabukasan,” sabi ng young actress. “It is a backup plan dahil alam kong hindi permanente ang showbusiness.”
Sana’y maging huwaran si Liza ng maraming kabataan, artista man o hindi, sa pagbibigay ng pagpapahalaga sa edukasyon.
(REMY UMEREZ)