Mananatili ang two-time FIBA Asia Best Guard na si Jason Castro sa PBA at sa kanyang koponang Talk ‘N Text.
Ito ang kinumpirma ng player agent na si Danny Espiritu, na nagsabing lumagda na kahapon ang kanyang alaga ng tatlong taong maximum deal na nagkakahalaga ng P15.2 milyon.
Ayon kay Espiritu, nabigo ang kanilang negosasyon para sa Chinese Basketball Association na kontrata ni Castro.
“Napag-usapan namin na magbibigay sila ng final offer nung November 10, kaso hanggang ngayon wala naman silang ibinibigay,” paliwanag ni Espiritu.
Hindi naman pinangalanan ni Espiritu ang tinutukoy niyang koponan mula sa CBA.
Para naman kay “The Blur”, labis ang kanyang kasiyahan sa muling paglagda ng kontrata sa Texters.
“Sobra, napakasaya,” wika ni Castro.
Ayon kay Espiritu, hanggang sa pagsasabi lamang ang nasabing koponan sa China na gusto nila si Castro, ngunit hindi naman nakatugon ang mga ito sa hinihingi nilang formal offer.
“Kahit ngayon nagte-text pa rin, wala namang ibinibigay, ano ‘yun, pinapaasa lang kami?” sambit ni Espiritu.
Samantala, kinumpirma naman ni Castro na humingi sya ng karagdagang panahon upang makapagpahinga bago sumabak sa darating na PBA 42nd Season Philippine Cup, na magbubukas sa Nobyembre 20. (MARIVIC AWITAN)