Winalis ng University of the East ang Far Eastern University-Diliman, 25-23, 25-19, 25-23, upang pormal na makamit ang huling semifinals berth sa girls division ng UAAP Season 79 high school volleyball tournament nitong Huwebes sa Adamson University gym.
Nagpakita ng matinding intensity ang Junior Lady Warriors upang ganap na tapusin ang pangarap ng Junior Lady Tamaraws na makahirit ng do-or-die playoff game.
Dahil sa panalo, naitakda ang pagtutuos nila ng De La Salle-Zobel sa unang laro ngayong 10:00 ng umaga sa Adamson gym.
Ang Junior Lady Spikers ang tumapos na pangatlo sa elimination taglay ang markang 8-4 kasunod ng National University na awtomatikong umusad sa kampeonato makaraang walisin ang 12-game elimination at pumangalawa ang University of Santo Tomas na nagtapos na may barahang 10-2.
Ang magwawagi sa UE at DLSZ ang hahamon sa Junior Tigresses na may bentaheng twice-to-beat sa huling step-ladder semifinals match at sa karapatang makaduwelo ng Junior Lady Bullpups sa finals.
Dahil sa kabiguan, nagtapos ang kampanya ng FEU-Diliman bilang panglima ngayong taon. (Marivic Awitan)