SUMAKABILANG-BUHAY dahil sa leukemia nitong Biyernes si Robert Vaughn, pinakakilala sa kanyang pagganap bilang Napoleon Solo sa television spy series na The Man from U.N.C.L.E noong 1960s, at ang huling buhay na aktor mula sa orihinal na pelikula na Magnificent Seven, ayon sa kanyang manager .
Inihayag ni Matthew Sullivan na pumanaw si Vaughn, 83-anyos, sa ospital habang kasama ang kanyang asawa na si Linda Staab at dalawang anak na sina Cassidy at Caitlin.
Naging bida si Vaughn, tubong New York, kasama si David McCallum sa The Man from U.N.C.L.E.
“Robert and I worked together for many years and losing him is like losing a part of me,” ani McCallum sa isang pahayag sa TVLine.com noong Biyenes.
Lumabas si Vaughn sa mahigit 200 pelikula at palabas sa telebisyon sa kanyang 60-taon na career, kabilang ang pelikula noong 1960 na The Magnificent Seven, kasama sina Yul Brynner at Steve McQueen.
Kabilang sa iba pang pelikula niya ang Bullitt noong 1968, kasama si McQueen, at ang The Young Philadelphians noong 1969, na nagbigay sa kanya ng supporting actor nomination sa Oscar.
Sa telebisyon, lumabas si Vaughn sa maraming mga palabas kabilang ang The A-Team, ang 1998 TV version ng The Magnificent Seven.
Isa sa mga nakikiluksa sa pagpanaw ng aktor ang dating British James Bond actor na si Sir Roger Moore na nag-tweet ng, “Sorry to hear the news about Robert Vaughn.”
Nag-tweet din ang British actor na si Stephen Fry at sinabi na si Vaughn ay “such a fine actor, one of the best Columbo villains (no higher praise than that) and utterly charming man.” (Reuters)