Wala nang pulso nang matagpuan ang isang matandang babae sa loob mismo ng banyo sa kanyang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Police Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Kamuning Police Station-10, ang biktima na si Norma Arcilla Sumang, 71, taxi operator, at nakatira sa No. 71 Scout Castro, Barangay Laging Handa, Quezon City.
Sa report ni SPO3 Bobby Castillo, imbestigador, dakong 6:00 ng umaga, napansin ng kasambahay ng biktima na si Inday na sarado at nakakandado ang pintuan ni Sumang.
Lumitaw sa imbestigasyon na maaga umanong nagigising ang biktima at ang kasambahay na siyang nagluluto ng almusal at tagapagtimpla ng kape.
Dahil wala umano ang biktima sa kanyang kuwarto, hinanap ni Inday ang kanyang amo at nakita na lamang na wala nang buhay sa loob ng banyo.
Posible umanong inatake sa puso ang biktima. (Jun Fabon)