Marahil ay hindi na alam ang pagkukunan ng pera, nagdesisyon ang isang jeepney driver na magbigti dahil napapadalas umano ang pagkabigo nitong makapagbigay ng boundary sa kanyang operator sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Danilo Baltazar, 50, ng 1139 Vargas Street, Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:39 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa ikatlong palapag ng isang abandonadong gusali na pagmamay-ari ng Metro Manila Development Authority (MMDA), na matatagpuan sa Jose Abad Santos Avenue, malapit sa kanto ng New Antipolo Street sa Tondo, Maynila.

Huli umanong nakita ni Maritess Cruz, tindera, ang biktima dakong 6:00 ng gabi nang kumain ito sa kanilang karinderya.

National

Bam Aquino, hangad hustisya para sa mga biktima ng EJK: ‘Dinadamayan natin sila’

Napansin na umano ni Cruz na bago ang pagpapatiwakal ay tila kinakausap ng biktima ang kanyang sarili kapag nag-iisa.

Base sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad, madalas hindi makapag-boundary ang biktima sa kanyang operator kaya madalas itong napagsasabihan.

Ito umano, ayon sa mga awtoridad, ang posibleng dahilan kung bakit nagpakamatay ang biktima. (MARY ANN SANTIAGO)