Nagkasundo ang Pilipinas at Malaysia na ipatapon ang libu-libong illegal Filipino workers mula Sabah matapos ang pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng Kuala Lumpur.
Sa kanyang pagdating sa Davao City kahapon ng umaga, kinupirma ng Pangulo ang gradual repatriation ng mga undocumented na Pinoy ngunit nilinaw na walang ipagkakaloob na clemency sa kanila.
“Yes. Okay lang sa kanila and I said no clemency except that give us time,” sabi ng Pangulo sa press conference sa Davao international airport nang tanungin kaugnay sa kasunduan sa Malaysia na ipa-deport ang 7,000 illegal Filipino immigrants pabalik sa bansa.
Ang kapalaran ng undocumented Pinoy sa Malaysia ay kabilang sa mga isyung tinalakay nila ni Prime Minister Najib Razak noong Huwebes. Hindi naman pinag-usapan ang claim ng Pilipinas sa Sabah.
Sa Kuala Lumpur, sinabi ng Pangulo na pumayag din si Najib na palakasin pa ang pagtutulungan ng Pilipinas at Malaysia sa pagtitiyak ng kaligtasan at katatagan sa rehiyon. Kabilang dito ang magkatuwang na pagtugis at pag-aresto sa mga kriminal at teroristang dumaraan sa karagatan sa pagitan dalawang bansa.
Ipagpapatuloy din ng Malaysia ang papel nito sa pagsusulong sa peace process sa Mindanao.
APEC SUMMIT
Samantala nagpahayag si Pangulong Duterte na kung maaari ay ayaw niyang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Peru ngayong buwan.
Ayon kay Digong, nagdadalawang–isip siyang bumiyahe sa Lima, Peru para sa annual summit dahil ayaw niya sa mahahabang biyahe. “It’s a long way across the globe. It’s a long haul and it will kill you,” aniya.
Sa panukalang flight plan, daaan ang Pangulo sa New Zealand bago makarating sa Peru para sa APEC leaders’ summit sa Nobyembre 19 at 20.
“Ang problema baka magtuloy-tuloy ‘yan sa South Pole. Sila na lang muna mauna doon kasi malamig,” pabirong sabi ni Duterte.
Ayon sa Pangulo, pinayuhan siya nina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. at Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na dumalo sa summit upang makapulong ang iba pang lider ng mundo. (GENALYN D. KABILING)