CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Isang 50-anyos na lalaki ang pinagtataga at pinugutan ng 62-anyos na umuupa sa kanyang lupa sa Barangay Mina sa Camalig, Albay, nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Chief Insp. Art Gomez, hepe ng Provincial Investigation and Detection Management Section (PIDMS) ng Albay Police Provincial Office (PPO) ang biktimang si Edwin Llenas, 50, habang arestado naman si Teodoro Odin, 62, kapwa taga-Bgy. Mina.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nagtalo umano ang suspek at ang biktima kaugnay ng hatian sa lupa hanggang sa pagtatagain at pugutan ni Odin si Llenas gamit ang bolo.

Sinabi ni Gomez na ang biktima ang may-ari ng lupa habang nakikisaka naman ang suspek sa bulubunduking bahagi ng Camalig. (Niño N. Luces)
Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol