Muling ikinulong ang isang magkapatid na wala pang anim na buwang nakalalaya, habang hinahanap pa ang kanilang kasamahan, makaraang maaresto dahil sa pagnanakaw sa isang warehouse sa Valenzuela City, nitong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Police Sr. Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela Police, kasong robbery ang kinakaharap nina King Edward Genetia, 19, kapatid niyang si Edcel, 23, kapwa residente ng No. 628 Urutia Street, Barangay Malanday ng nasabing lungsod.
Bukod sa robbery, kinasuhan din ng concealing true name si Edcel matapos niyang gamitin ang pangalang Benjie Castro.
Patuloy namang tinutugis ang kanilang kasamahan na si Felipe Nunez, 21, ng Barangay Isla.
Bago ang pag-aresto, nagtungo sa opisina ni Police Sr. Insp. Rod Hizon, head ng Detective Management Unit (DMU), si Humphrey Yu Wong para ipakita ang mga larawang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera na huli sa akto ang mga suspek na nagnanakaw.
Tinangay umano ng magkapatid ang mga materyales sa paggawa ng sasakyan tulad ng alligator jack at chain block.
Nakilala kaagad ni PO3 Roberto Santillan ng DMU ang mga suspek dahil nakulong na aniya ang mga ito noong Mayo 20, 2013 at tumagal ng dalawang taon.
“Ayaw maglubay eh, siguro naman magtatanda na sila kasi balik-selda na naman,” pagtatapos ni PO3 Santillan.
(Orly L. Barcala)