Iniimbestigahan ngayon ng pamunuan ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ang pagpatay sa isang barangay chairman na inulan umano ng pagbabanta bago tuluyang itinumba sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga ‘di pa nakikilalang suspek si Barangay Chairman Alberto Carpio, ng Barangay 100, Zone 8, at residente ng 124 Del Pilar Street, Magsaysay Village, Tondo, Maynila.
Ayon kay PO3 Jorlan Taluban, ng MPD-CAPIS, naglalakad ang biktima sa kanilang barangay hall at naghahanap ng mapagtatayuan ng Christmas tree nang maramdaman niyang may sumusunod sa kanya.
Nang lingunin umano ng biktima ay bigla na siyang binaril ng mga suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Bago umano nangyari ang insidente ay nakakatanggap na si Carpio ng mga death threat simula pa noong Nobyembre 2015 ngunit binalewala umano ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)