Kinasuhan at ikinulong ang apat na tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang ireklamo ng pananakot at pangongotong ng isang call center agent sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kasalukuyang nakadetine sa District Headquarter Support Unit (DHSU) sa Camp Karingal sina PO3 Teodoro C. Morales, PO3 Drazen Calix C. Banatan, PO1 Philip John, at PO1 Juan D. Asis.
Sila ay inireklamo ng pananakot at pangongotong ni Rex A. Macobio, call center agent sa Bonifacio Global Port at residente ng Batasan Hills, Quezon City.
Sa inisyal na ulat ni Police Chief Insp. T. Cuden, hepe QCPD-PIO, nangyari ang insidente dakong 7:30 ng gabi nitong Biyernes, sa tapat ng UP Gym sa Commonwealth Avenue, Diliman, Quezon City.
Galing umano si Rex sa isang ospital at nang pauwi na siya sakay sa minamanehong kotse, pinara siya ng mga pulis para umano sa checkpoint.
Nang siyasatin ang kotse ng biktima, nadiskubre ng mga pulis ang itak sa loob ng kanyang sasakyan at dahil dito, lumabag umano si Rex sa city ordinance, ang pagdadala ng deadly weapons na ang parusa ay 12-taong pagkakakulong.
Sa puntong ito, natakot umano ang biktima at ibinigay na lamang ang wallet na naglalaman ng P300, ngunit pilit pa umano siyang kinikilan ng mga pulis at sinundan hanggang sa Bgy. Batasan.
Pagsapit umano sa isang gasolinahan ay pinayagan na umano ng mga pulis na makauwi ang biktima, subalit nang buksan umano niya ang compartment ng kanyang sasakyan, nadiskubre niyang nawawala ang P31,000 sa bulsa ng kanyang pantalon.
Dahil dito, agad naghain ng reklamo si Rex sa tanggapan ni QCPD Director chief Supt. Eleazar kung saan kinasuhan ang mga suspek. (Jun fabon)