Hindi kinaya ng katawan ng isang negosyante ang mga tinamong tama ng bala sa katawan matapos siyang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Malabon City, nitong Lunes ng gabi. Kritikal naman, habang isinusulat ang balitang ito, ang kanyang kamag-anak.
Dead on the spot si Alfredo Bautista, 42, ng No. 84 Sanchez Street, Barangay Tinajeros ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa ulo.
Ginagamot naman sa isang ospital si Delia Bautista, 43, guro, dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang balikat at kaliwang panga.
Sa imbestigasyon ni PO3 Julius R. Mabasa, dakong 10:37 ng gabi, magkaangkas sa motorsiklo (9463-PQ) ang mga biktima at binabaybay ang kahabaan ng Sanchez St., Bgy. Tinejeros, Malabon City.
Malapit na sa kanilang bahay sina Alfredo at Delia nang sumulpot ang dalawang lalaki na magkaangkas din sa itim na motorsiklo at kinausap pa umano ng isa sa mga suspek si Alfredo.
Bumaba ng motorsiklo si Alfredo ngunit maya-maya pa’y pinagbabaril na ito ng isa sa mga suspek, habang ang isa pang suspek ang bumaril kay Delia.
Ayon sa pamilya ng mga biktima, posibleng may kinalaman sa negosyo ang pamamaril. (Orly L. Barcala)