coco-at-vice-copy

INIHAYAG ni Vice Ganda sa event na dinaluhan niya sa Araneta Center, Cubao last weekend ang official title ng kanyang entry sa MMFF ngayong Pasko, ang SPG o Super Parental Guidance na muli nilang pinagbibidahan ni Coco Martin plus ang dalawang sikat na bata sa FPJ’s Ang Probinsyano na sina McNeal “Awra” Briguela at si Simeon “Onyok “ Pineda.

Sabi ni Vice, ipinasa na nila sa jury ng Metro Manila Film Festival 2016 ang kanilang entry para mapabilang sa opisyal na listahan ng mga pagpipilian. Ang mapipiling kalahok sa MMFF 2016 ay ipapahayag sa November 10, at excited na si Vice.

“Yes, Super Parental Guidance, tapos na din at ready na ang pelikula kasi, di ba, may deadline na? So dapat nakapagpasa kami ng entry bago nag-deadline,” aniya pa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang pumanaw na si Direk Wenn V. Deramas sana ang magdidirek ng pelikula, kaya si Direk Joyce Bernal na ang makakatrabaho nina Vice at Coco.

“Happy ako, and happy din for having Direk Joyce Bernal for the movie. Nu’ng simula nakakakaba noong first time namin mag-shoot ‘tapos nanood kami ng mga rushes, ramdam namin na iba na. Siyempre, kasi iba ang galaw ng isang Joyce Bernal pero nu’ng nagtapos na kami, nasabi namin na iba at maganda,” pahayag ng It’s Showtime host.

Tinitiyak ni Vice na papatok sa mga manonood ang batuhan nila ng linya ni Awra na una nang napanood sa nakaraang FPJ’s Ang Probinsyano concert sa Araneta Coliseum nitong nakaraang buwan at sa ABS-CBN last Sunday.

“Aabangan natin talaga kasi kung dati dalawa lang kami ni Coco ngayon may kasama na kaming dalawang cute na bata na sila Onyok at Awra, kumbaga iba na talaga ang dynamics,” masayang pahayag ni Vice. (Ador Saluta)