KUNG dati-rati ay inuumaga sa mga party o gimikan si John Prats, hindi na ngayon dahil 8:45 PM pa lang ay nagmamadali na siyang umuwi nang dumalo siya sa birthday party ni Arjo Atayde.
Sabik na raw kasi siyang makita ang baby nila ng asawang si Isabel Oli na si Lily Feather.
Isa si John sa mga bisita ni Arjo sa intimate dinner nitong Linggo at dumating ang aktor ng pasado alas siyete ng gabi, at pagkalipas ng isang oras mahigit ay umalis na.
Biro nga namin kay John, ‘ang aga mong umuwi, dati pamorningan ka.’
“Oo, hindi na ngayon, iba na, eh. Nami-miss ko na ang baby namin saka wala si yaya ngayon, nag-day-off kaya si Isabelle ang nag-aalaga,” kuwento ni John.
“Ang sarap ng pakiramdam ko ngayon, iba na, kumpleto na ako. Dati wala pa akong pakialam sa lahat, iba na talaga kapag may pamilya na.”
Kahit nga raw pagkatapos ng taping ni John ng FPJ’s Ang Probinsyano at Banana Sundate ay diretso uwi na siya at hindi na nasasabit kung saan-saan. (Reggee Bonoan)