NUEVA ECIJA – Limang katao ang magkakasunod na nadakip makaraang makumpiskahan ng ilegal na droga sa Cabanatuan City at San Antonio sa lalawigang ito noong Biyernes.
Sa bisa ng search warrant, inaresto ng mga operatiba ng Cabanatuan City Police at Regional Public Safety Battalion (RPSB)-3 ang tatlong katao, kabilang ang isang mag-asawa, makaraang salakayin ang bahay ng huli sa Barangay Imelda sa lungsod, dakong 6:00 ng gabi.
Kinilala ni Supt. Ponciano Zafra, hepe ng Cabanatuan City Police, ang mga naaresto na sina Carlota Sigesmundo y Paraon, 36, ng Purok 4, Bgy. Imelda, na nahulihan ng 10 sachet ng shabu; Obed Aspiras, na nakumpiskahan ng 19 na sachet ng shabu sa kanyang tricycle (B0-53105). Dalawang sachet ng shabu naman ang nakuha mula sa asawa ni Sigesmundo na si Lord Segismundo y Rajel.
Sa bayan ng San Antonio, naaresto naman sa buy-bust sina Michael Reyes y Viesca, 32, may asawa; at Marcelo Marquez y Nievez, 35, magsasaka, kapwa taga-Sitio Minanglo, Bgy. San Francisco.
Sa imbestigasyon ni PO1 Roy Empaynado, dakong 9:00 ng gabi nang madakip sina Marquez at Reyes, na ikasampu sa drug watchlist ng pulisya. (Light A. Nolasco)