Inaresto nitong Sabado ng mga awtoridad ang isang barangay chairwoman na sangkot sa mga pagdukot ng Abu Sayyaf Group (ASG), sa Kilometer 2 sa Indanan, Sulu.
Kinilala ni Army Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), ang nadakip na si Fauzia Abdulla, chairwoman ng Barangay Niyog Sangahan sa Talipao, Sulu.
Sinabi ni Tan na batay sa mga report na kanyang natanggap, nasakote si Abdulla dakong 11:15 ng umaga nitong Sabado sa operasyon ng pinagsanib-puwersa na Sulu Police Provincial Office (SPPO), Philippine National Police (PNP), Joint Task Force Sulu (JTFS) at AFP.
Dagdag pa ni Tan, inaresto si Abdulla sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong kidnapping with homicide kaugnay ng pagdukot noong Setyembre 2015 sa mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, sa Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, at sa Pinay na si Marites Flor, mula sa isang resort sa Samal Island.
Dinala ng ASG sa Sulu ang apat na biktima at doon itinago.
Matatandaang pinugutan sina Ridsdel at Hall habang pinalaya naman sina Flor at Sekkingstad.
Sinabi ni Tan na kinukupkop umano ni Abdulla ang mga miyembro ng ASG at tinutulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mapagtataguang lugar, mahahalagang impormasyon at pagkain; at karaniwan umanong sangkot sa pangangasiwa at pagdedesisyon sa Abu Sayyaf.
Naniniwala naman si Brig. Gen. Arnel Dela Vega, commander ng JTFS, na isang malaking dagok sa mga bandido ang pagkakaaresto kay Abdulla. (FRANCIS T. WAKEFIELD)