SINO si Chris Marcos Chan sa buhay niAngeline Quinto?
May fans na nagpadala sa amin ng litrato nina Chris at Angeline na kinuha sa Instagram account ng binata -- @123saychris -- na nang i-check namin ay naka-private na kaya hindi namin nasilip ang lahat ang mga litrato.
Matatandaan na palaging itinutukso si Angeline kay Erik Santos at hindi naman itinatanggi ng dalawa na gusto nila ang isa’t isa, kaya lang hindi pa handang mag-asawa ang dalagang singer dahil marami pa siyang gustong mangyari sa buhay niya.
Samantalang si Erik naman ay aminadong gusto nang magpakasal para magkaroon ng anak, pero hanggang ngayon ay wala pa siyang babaeng mapapakasalan.
Ito ang mensahe sa amin ng isang tagahanga ni Angeline na si @anggefan: “May ibang gusto po si Angeline, ‘di po si Erik kundi Chris Marcos Chan. Mukhang boyfriend n’ya na po.”
Sabay pakita sa amin ng litratong magkasama sina Angeline at Chris noong Halloween na magkatabi at may caption ng huli ng, “ang selfie ‘before’ ha, ha, ha. Abangan n’yo ‘yung ‘after’.”
Sabi pa ng fan ng dalaga, “Heto pa po picture nila, sweet na sweet po sila.”
Nag-post ulit si Chris ng litratong naka-make-up na sila ni Angeline ng zombie at nakayakap sa baywang ang kanang kamay at ‘yung kaliwang kamay ay sa leeg naman at may caption ng, “and the ‘after’ selfie, sudden Halloween ‘party.’
Kaagad naming tinanong si Angeline habang tinitipa namin ang balitang ito kahapon kung sino si Chris Marcos Chan na kasama niya noong Halloween.
“Ha, ha, ha, hindi ko po boyfriend, Ate Reggee, kaibigan niya kasi mga kapatid ko,” sagot ng dalaga.
Sundot namin, ‘Bakit kayo sweet sa picture? Siya ba ‘yung nanliligaw sa ‘yong taga-Pampanga? Bakit may before and after selfie pa at nakayakap pa?’
“Hindi po siya, Ate Reggee,” matipid na sagot ulit ni Angeline, at dinagdagan niya ng, “Ganu’n po talaga ‘yun, mahilig mag-selfie pero hindi ko po siya boyfriend.”
Ipinaalam naming isusulat namin ang isyu at itong litrato nila ni Chris, “Naku, Ate Reggee, ‘wag na po baka mabasa ng mga fan namin ni Erik.”
Sabay imbita sa amin na manood na lang daw kami ng concert nila, “Bigyan na lang kita ticket ng show, punta ka po.”
Diyaskeng Angeline, sinusuhulan pa ako, ha-ha-ha-ha.
Hirit pa ulit, “Ate Reggee, hindi ko siya boyfriend.”
Okay, naniniwala na kami, sagot namin.
“Opo, hindi po,” paniguradong sagot ulit ng dalaga. (REGGEE BONOAN)