CAMP RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Dinakip ng Northeastern Mindanao Police Regional Office (PRO)-13 ang tatlong aktibong pulis at limang iba pang sangkot sa droga sa magkahiwalay na operasyon sa Caraga region.

Kinilala ni PRO-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix ang mga naarestong pulis na sina PO1 Arnel G. Odog, 46, nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) Maritime Group 13 sa Surigao del Norte; PO2 Ronie C. Custodio, 31, ng Taganaan Municipal Police sa Surigao del Norte; at SPO1 Valliante A. Flores, 46, ng Davao City Police Office (DCPO).

Dinakip din sina Ruel Malooy Laurente, 40, priority target sa drug watchlist sa Surigao del Sur; Abraham S. Montero, 42, ng Barangay Purisima, Tago; Dexter M. Masauding, 50, ng Ma-a Road, Davao City; Ricky B. Megabio, 40; at Roselo O. Cuer, 37, kapwa ng Bgy. Bag-ong Lungsod, Tandag City.

Inaresto sina Odog at Custodio makaraan umanong magbenta ng isang pakete ng shabu sa mga operatiba ng Surigao City Police nitong Biyernes ng hapon, samantala dinakip din nang araw na iyon si Flores kasama si Laurente sa bisa ng search warrant, ayon kay Chief Supt. Felix.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Hindi pa tukoy ang aktuwal na dami ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa dalawang operasyon, kasama ng ilang drug paraphernalia, ayon kay Felix. (Mike U. Crismundo)