NAKITA naming kumakain sa Grub Restaurant si Ms. Dagang Vilbar, program manager ng Ang Probinsyano noong Huwebes pagkatapos ng presscon ng The Unmarried Woman nina Angelica Panganiban, Paulo Avelino at Dingdong Dantes.
Nagtataka si Ms. Dagang kung saan galing ang tsika na ang Batang Quiapo na pelikula nina Fernando Poe, Jr. at Maricel Soriano (1986) ang ipapalit pagkatapos ng Ang Probinsyano na kasalukuyang humahataw sa ratings game.
Paliwanag ni Ms Dagang, “Baka naman kasi nakita nilang iyon ang ipinakitang teaser sa Ang Probinsyano Pasasalamat concert (Oktubre 8) kaya akala nila ‘yun na.
“Hindi totoo ‘yun kasi maiksi lang ‘yung Batang Quiapo, hindi puwedeng gawing series ‘yun, dahil kung ganu’n din lang, e, anong pagkakaiba sa Ang Probinsyano? Halos same lang naman ang concept ng Batang Quiapo at ng Ang Probinsyano.
“Hindi pa nga kami nakakabuo ng ipapalit kasi hindi pa rin namin alam kung kailan matatapos Ang Probinsyano.
“Nakakatawa ‘yang balitang ‘yan, mas marunong pa sila sa amin? Sila-sila lang ang nag-meeting, hindi kami isinama?”
natawang sabi sa amin.
Pero nu’ng banggitin namin na sina Julia Montes at Liza Soberano ang posibleng makapareha ni Coco Martin sa susunod nitong project ay parang hindi naman ito pinansin ni Ms. Dagang dahil mas nag-focus siya sa isyu sa Batang Quiapo na hindi nga raw totoo.
Hmmm, baka nga posibleng makasama ni Coco sina Julia at Liza sa next project niya, hindi nga lang namin alam kung pelikula o TV series.
Pero teka, pupuwede bang mahiwalay si Liza kay Enrique Gil? (REGGEE BONOAN)