Simula kahapon ay istrikto nang ipatutupad ng Department of Health (DoH) ang Graphic Health Warning (GHW) Law, o ang batas na nag-oobliga sa lahat ng tobacco products na maglagay ng graphic health warnings hinggil sa masamang epekto ng paninigarilyo sa kanilang mga pakete.

Nagbabala si Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial, sa kumpanya, manufacturers at importers, na lalabag sa naturang batas na maaari silang mapatawan ng hanggang P2 milyon multa at pagkabilanggo ng limang taon at pagkansela sa business permit.

Ang retailers na mahuhuling lumalabag sa batas ay maaaring mapatawan ng multang P100,000.

Alinsunod sa naturang batas, dapat na sakop ng graphic health warning ang 50 porsiyento ng harapan at likod ng pakete o kaha ng sigarilyo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kabilang sa graphic health warning na dapat na ilagay sa mga pakete ay ang pagkakaroon ng throat cancer, stroke, emphysema, impotence, hand/foot gangrene, at mababang timbang at wala sa hustong buwan nang panganganak ng babae.

Kinakailangan ring maglagay ng babala o warning na nakasulat sa Tagalog sa harapang bahagi ng kaha ng sigarilyo at English naman sa likuran.

Inaasahan na dahil sa graphics warning ay magdadalawang-isip na ang mga Pinoy na manigarilyo o tuluyan nang ihinto ang bisyo. (Mary Ann Santiago)