Sugatan ang isang lalaking Muslim makaraang saksakin ng kapwa niya Muslim dahil umano sa naungkat na away sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Isinugod sa ospital si Sadam Batao, vendor, ng 2441 Onyx Street, San Andres Bukid, dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, mabilis namang tumakas ang suspek na si Husman Alonto, 23, nakatira rin sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ni PO2 Rey Rabut, ng Manila Police District-Station 6 (Sta. Ana), dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang pagtatalo at pananaksak sa mismong tahanan ng biktima.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Ayon kay Norayma Batao, 23, asawa ng biktima, nasa ikalawang palapag umano ng kanilang bahay ang biktima nang kumprontahin ng suspek na nagresulta sa mainitang pagtatalo.

Kasunod nito, kumuha ng isang matigas na bagay ang suspek at inihampas sa biktima, at nang hindi pa nasiyahan ay bumunot ng patalim saka pinagsasaksak. (Mary Ann Santiago)