Sugatan ang isang ginang matapos niyang saksakin ang sarili dahil sa pag-aaway umano nila ng kanyang kinakasama sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.
Kasalukuyang inoobserbahan sa ospital si Annaliza Salengua, ng 632 Mabolo Street, Sta. Cruz, Maynila dahil sa dalawang tama ng saksak sa kanang dibdib.
Sa ulat ni Police chief Insp. Michael Garcia, deputy station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 2:30 ng madaling araw nangyari ang insidente sa Raon St., malapit sa kanto ng Trinidad St., Sta. Cruz, Maynila.
Nauna rito, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at si Julius Ramirez, 36, tricycle driver, ng 640 F. Trinidad St., Sta. Cruz, dahil gusto umano ng biktima na matulog sa tricycle ni Ramirez ngunit ayaw nito.
Dahil dito, kumuha umano ng kutsilyo ang biktima at sinaksak ang sarili sa dibdib. (Mary Ann Santiago)