Kahit tapos na at naging payapa sa kabuuan ang pagdaraos ng Undas, tuloy ang ‘full alert’ status ng mga pulis sa buong Metro Manila bilang paghahanda naman sa seguridad ng publiko sa Christmas season.
Ayon kay acting National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Oscar Albayalde, magpapatuloy ang pagiging alerto ng mga pulis hanggang sa matapos ang taon.
Hindi naman umano makakaapekto sa pagbibigay ng mahigpit na seguridad ng awtoridad ang pagpull-out sa mga chekpoint sa istratehikong mga lugar.
“Hindi lang ang checkpoints natin ang nakakapagsawata ng kriminalidad sa Metro Manila, marami pang preventive measures ang inilatag ng pulisya para sa seguridad ng lahat,” ani Albayalde.
Iginiit ni Albayalde na idadaan na lang ng NCRPO sa pinaigting na police visibility at pagpapatrulya ang pagpapanatili ng peace and order sa Metro Manila. (Bella Gamotea)