Tulad ng inaasahan, dinagsa ng mga mamamayan ang ilang malalaking sementeryo sa lungsod ng Maynila, partikular na ang Manila North at South Cemeteries nitong Undas.

Kaugnay nito, nakakumpiska pa rin ang mga awtoridad ng iba’t ibang ipinagbabawal na gamit mula sa mga taong nagpunta sa mga sementeryo, sa kabila ng paulit-ulit nilang paalala na huwag nang magbitbit ang mga ito dahil kukumpiskahin lamang.

Ayon sa Manila Police District (MPD), hanggang 12:30 ng tanghali kahapon ay umaabot na sa mahigit 520,000 ang kanilang crowd estimate sa bilang ng mga taong nagtungo sa Manila North Cemetery.

Inaasahan namang hanggang kagabi (gabi ng Nob. 1) at hanggang ngayong umaga (Nob. 2), ay madaragdagan pa ang mga taong magtutungo sa naturang pinakamalaki at pinakamatandang sementeryo sa Metro Manila, upang dumalaw sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Metro

Iskedyul para sa Undas, maagang inilabas ng Manila North Cemetery

Samantala, iniulat din ng MPD na humigit-kumulang ay aabot sa 100 pirasong iba’t ibang ipinagbabawal na bagay ang kanilang nakumpiska mula sa mga taong dumadalaw sa sementeryo tulad ng mga sigarilyo, posporo, alak, flammable materials, bladed weapons at iba pang matutulis na bagay.

Kaugnay nito, sa Manila South Cemetery naman, iniulat ng MPD na simula pa noong Oktubre 29, 2016, ay umabot na sa 118 matutulis na bagay ang kanilang nakumpiska habang 29 naman ang bladed weapons, at may naharang din silang limang flammable materials at isang bote pa lamang ng alak.

Naging problema naman dito ang mga basurang iniiwan ng mga tao sa loob ng sementeryo, na ayon sa ulat ng Tzu Chi Foundation, isang non-government organization (NGO), ay umabot na sa 1,484 kilos, habang isinusulat ang balitang ito, at inaasahang madaragdagan pa ito hanggang ngayong araw.

Pumalo naman sa 60,000 ang crowd estimate ng MPD sa Manila South Cemetery hanggang 12:00 ng tanghali kahapon, at inaasahang madaragdagan pa ang naturang bilang hanggang ngayong araw. (Mary Ann Santiago)