LONDON (AP) — Isinugod sa pagamutan sina Britain’s champion jockey Jim Crowley, gayundin ang kabarong si Frederik Tylicki bunsod nang kinasangkutang insidente nitong Lunes (Martes sa Manila).
Ikinakabahala na na-injured sa spinal ang dalawa matapos magkabanggaan at magkadaganan ang apat na kabayo sa Kempton race nitong Lunes.
Binigyan ng paunang-lunas sina Crowley at Tylicki sa racecourse bago dinala sa pinakamalapit na ospital at ipinasok sa major trauma unit ng pagamutan sa south London.
Sinabi ni Barney Clifford, clerk ng race course, na binuhat sina Crowley at Tylicki na may suportang board.
Ipinahayag naman ng Newmarket-based Injured Jockeys Fund na ligtas na sa kapahamakan si Crowley at kaagad ding pinauwi, habang si Tylicki ay nagkamalay na umano at nasa maayos nang kalagayan sa intensive care unit.
Natigil nang ilang oras ang karera bunsod ng insidente at tuluyang kinansela ang nalalabing karera.
Naganap ang insidente nang matumba ang mga kabayong Nellie Deen at Madame Butterfly, sakay si Tylicki. Nas aluikod nila at nadamay din ang kabayong Electrify, sakay si Crowley at Skara Mae.
Ligtas naman sa pinsala ang mga kabayo.