Limang katao ang naaresto habang nagpa-pot session sa loob ng isang barung-barong sa Manila North Cemetery, sa Sta. Cruz, Manila sa isinagawang anti-criminality campaign ng Manila Police District (MPD) nitong Linggo ng gabi, kaugnay ng Undas.
Pawang nakadetine na sa himpilan ng MPD-Station 3 (Sta. Cruz) at kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Mark Kenneth Reyes, 23, tricycle driver; Lazaro Francisco, 45; Paulino dela Vega, 32; Marlon Lange, 21, at Wilfredo Chavez, 50, pawang nakatira sa sementeryo.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality campaign ang mga pulis sa loob ng sementeryo kamakalawa ng gabi bilang bahagi ng pagtiyak sa seguridad ng mga dadalaw sa puntod, nang maaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng pot session sa loob ng isa sa mga barung-barong doon.
Narekober naman ng mga pulis mula sa mga suspek ang tatlong plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Samantala, kahapon ng umaga ay isang dalawang taong gulang na lalaki ang isinugod ng mga tauhan ng Department of Health (DoH) sa Ospital ng Tondo matapos na mahirapang huminga.
Pinaalalahanan naman ng mga opisyal ng MPD ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang hindi mawala ang mga ito sa karamihan ng dadagsa sa sementeryo.
Pinayuhan din ang mga magulang na lagyan ng name tag ang mga kasamang bata, kumpleto sa contact number, upang madali silang maibalik sakaling maligaw sa loob ng sementeryo. (Mary Ann Santiago)