Nakalaboso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 19-anyos na binatilyo sa Pampanga noong nakaraang Martes, Hunyo 30, dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11930 na kilala rin bilang “Anti-Online Sexual Abuse” o Exploitation of Children (OSAEC) at “Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.”
Batay sa pahayag ng NBI nitong Sabado, Hulyo 4, ang binatilyo ay naiulat na nag-utos sa isang menor de edad na gumawa ng mga sekswal na aktibidad at magpadala ng mga sekswal na larawan kapalit ang “Robux” na perang ginagamit sa online gaming platform, “Roblox.”
Sa karagdagang imbestigasyon ng Violence Against Women and Children Division (VAWCD) ng NBI, lumabas na ang binatilyo ay konektado rin sa iba’t iba pang kaso ng pang-aabuso ng mga menor de edad at pamamahagi ng child sexual abuse materials gamit ang iba’t ibang online accounts.
Lumabas din sa tala ng ahensya na mayroon pang reklamong inihain ng isang ina ng 10-taong gulang na biktima, na kinaibigan umano ng biktima sa Roblox at hinikayat at pinilit na magpadala ng sexually explicit videos.
Sa pamamagitan ng cyber at digital forensic investigation ng VAWCD, isinagawa ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) kung saan nakuha ang mobile device ng binatilyo.
Bukod sa mga ito, ang binatilyo ay sumailalim din sa inquest proceedings sa Office of the Provincial Prosecutor sa Pampanga noong Miyerkules, Hulyo 1 sa mga kasong inihain sa ilalim ng Republic Act No. 11930.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagsasagawa ng rescue operations upang matunton ang iba pang mga biktima na konektado sa kaparehong modus operandi.