Inaresto at dinisarmahan ng kanilang mga kabaro ang dalawang pulis matapos umanong mahuli sa akto na tumatanggap ng “lagay” sa loob ng Caloocan Police Station, nitong Huwebes ng hapon.

Nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo sina PO2 Christian Geronimo at PO2 Kristoffer San Juan, kapwa nakadestino sa Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Caloocan Police Station.

Nanganganib ding masibak sa puwesto ang kanilang hepe na si Police Sr. Insp. Cecilio Tomas dahil sa command responsibility.

Nilapitan umano ni Laila Katamora, kinakasama ng nadakip na drug personality na si Linson Amogis, sina PO2 Geronimo at PO2 San Juan at tinanong ang mga ito kung anong paraan para makalabas ng kulungan ang kanyang kinakasama.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Sinabi umano ng dalawang pulis na magbigay lang ng P100,000 at makalalaya nang walang kaso si Amogis.

Nagtungo si Katamora sa Camp Crame at isinalaysay ang pangyayari.

Dakong 2:00 ng hapon, ikinasa ang entrapment operation sa loob ng SAID-SOTG at iniabot ni Katamora ang P100,000 sa dalawang pulis at nagulat na lang ang mga ito nang posasan sila ng kanilang mga kasamahan. (Orly L. Barcala)