Isang alkalde ng Maguindanao at siyam na iba pa ang napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa checkpoint sa Makilala, North Cotabato, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Makilala Municipal Police, napatay si Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom, habang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan sa siyam na kasama ng alkalde na pawang napatay sa insidente.
Ayon kay P/Supt. Romeo Galgo, Philippine National Police (PNP) Central Mindanao spokesman, naganap ang engkuwentro sa Davao-Cotabato highway, Bgy. Old Bulatukan, sa bayan ng Makilala, dakong 4:30 ng madaling araw kahapon.
Nagsasagawa umano ng checkpoint sa lugar ang Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ng Makilala Municipal Police Station, at Regional Public Safety Battalion (RPSB), nang parahin ang sasakyan ng grupo ng alkalde.
Sa halip na huminto, pinaputukan ng grupo ng alkalde ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng alkalde at kanyang mga kasama na isinugod pa sa Makilala Specialist Hospital.
Si Dimaukom ay nasa ‘narco-list’ umano na inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Noong Agosto 7, 2016, sumurender si Dimaukom Maguinadanao Provincial Police Office at pinabulaanan ang alegasyon.
Noong Setyembre 27, sinalakay ng mga awtoridad ang compound ni Dimaukom sa Datu Saudi, pero wala namang natagpuang ilegal na droga sa kanyang lugar. (FER TABOY)