Pinaulanan ng bala ng tatlong lalaki, pawang nakasuot ng maskara, ang katawan ng isang binatilyo sa harap mismo ng kanyang kinakasama sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Agad nasawi si Mark Joseph Oliveros, 20, ng Building 19, Aroma Compound, Tondo, Maynila dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Jorlan Taluban, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:30 ng umaga nangyari ang krimen sa isang madilim na eskinita sa pagitan ng Building 20 at 24 ng Aroma Compound, Tondo.
Sa salaysay ni Annazel, 16, kinakasama ng biktima, naglalakad sa lugar nang bigla na lang silang harangin ng tatlong suspek. Hinila umano papalayo ng mga suspek ang biktima mula kay Annazel saka pinagbabaril bago tuluyang tumakas.
Naniniwala rin umano si Annazel na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay dahil gumagamit umano ng ilegal na droga ang biktima. (Mary Ann Santiago)