NAPANSIN ng mga katoto habang ongoing ang Q and A sa press launch ng Cinema One Originals Festival 2016 na kasama pala si Angeline Quinto sa narrative feature entry na Malinak Ya Labi na idinirek ni Jose Abdel Langit. Co-stars ng singer/actress sina Allen Dizon, Richard Quan, Menggie Cobbarubias, Luz Fernandez at Raquel Villavicencio.
“May movie na naman si Angeline, kumita ba ‘yung huli niya (That Thing Called Tanga Na)?” tanong ng mga katoto. “Baka naman mas gusto ng taong kumanta na lang siya.”
Sabi namin na baka depende sa project, comedy ‘yung nakaraang movie niya sa Regal Entertainment at mystery naman ang kuwento nitong Malinak Ya Labi.
Bukod sa pagiging singer ay noon pa talaga gusto ni Angge na umarte sa harap ng camera, kaya siguro kahit anong papel ay tinatanggap niya.
Kung Bisaya ang dialog sa Lily na pinagbibidahan ni Shaina Magdayao, Pangalatok naman sa Malinak Ya Labi.
“Actually, ang tawag po nila sa salita nila Pangasinense, timing nga kasi ang province talaga namin ay sa Pangasinan, so bata pa lang ako naririnig ko na ang salita nila, hindi ako fluent magsalita pero alam ko ‘yung mga ibig sabihin kung sakaling marinig ko. Si Direk Abdel po ang nagturo sa akin ng ibang salita,” kuwento ni Angeline.
Malayo raw sa personalidad niya ang ginagampanan niyang papel sa pelikula dahil nakilala siyang bungisngis, maloko at makulit.
“Dito po sa movie, hindi ako ngumingiti o kumikibo, dark po ‘yung kuwento at isa akong teacher dito na walang alam gawin kundi magturo sa mga estudyante at umuwi sa pamilya ko. Araw-araw po ‘yun ang ginagawa ko. Loner po ako rito,” sabi ni Angeline.
Hayan, hindi comedy ang first indie film ni Angeline baka mas bagay sa kanya ang ganitong papel at mas mapansin siya.
Tinanong namin siya kung ano talaga ang mas gusto niya, pag-aartista o pagkanta?
“Siyempre, Ate Reggee ang pagkanta kasi mas may pera at maraming shows, sa movie iilan lang, tatlong pelikula pa lang nagawa ko. Sa pagkanta, nakapagpagawa na ako ng bahay, napagawa ko na rin ‘yung bahay namin sa Sampaloc, nakapagpundar na ako ng mga gamit, sasakyan, kaya pagkanta pa rin talaga, Ate Reggee ang bread and butter ko. Awa ng Diyos hindi naman ako nababakante pagdating sa shows kasi maraming offers.
Okay naman pala ang singer career niya, bakit gusto pa rin niyang maging artista?
“Gusto kong ma-experience ring umarte at gusto ko nga magkaroon ng award, di ba? Either sa drama o comedy,” pahayag ng dalaga.
At kapag nakamit na raw niya alinman sa dalawang award ay buo na ang pangarap niya. (REGGEE BONOAN)