May nilinaw si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, hinggil sa naunang listahan na kanilang inilabas na maaari umanong sampahan ng kaso mula sa kampo ng Ateneo Men’s Basketball Team.
Sa pahayag ni Remulla nitong Lunes, Hunyo 29, 2026, iginiit ni Remulla ang posibilidad na maalis ang pangalan ng student manager at dalawang ball boys ng Ateneo Men’s Basketball Team, at gawin na lamang umanong testigo.
"Maaari na ring maalis sa listahan ng kakasuhan ang ilang kasama sa aktibidad lalo kung makita na hindi nila alam ang masamang layunin," ani Remulla.
Paglilinaw pa niya, "Maaaring gawing testigo imbes na akusado ng DOJ ang mga student manager at ball boy."
Matatandaang noong Hunyo 26 nang pangalanan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sina dating Ateneo Head Coach Tab Baldwin at 10 iba pa, sa rekomendasyon nilang lumabag sa Anti-Hazing Law—hinggil sa pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divin Adili.
Narito ang mga pinangalanang indibidwal ng PNP-CIDG:
Thomas Anthony Baldwin @TAB – Head Coach
Grant Dearns – Strength and Conditioning Coach
Ceasar Vincent Javellana Elumba – Strength and Conditioning Coach
Dean Caesar B. Castaño – Assistant Coach
Sandro Nicholas Romero Soriano – Assistant Coach
Reynaldo C. Jacinto Jr. – Assistant Coach
Paolo Manuel Maceda Adevoso – Student Manager
Andrew Lorenzo Bondoc Salud @Drew – Student Manager
John Eric Quiambao Rueca – Physical Therapist
Aris Ramos Pronce – Utility / Ball Boy
Joel Palmiano Rapa @Boy – Utility / Ball Boy
KAUGNAY NA BALITA: Therapist, ball boy, kasama sa mga kakasuhan sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili!
Kaugnay nito, mabilis namang pinutakti ng ilang netizens ang nasabing rekomendasyon at iginiit na tila hindi umano patas na nadawit ang pangalan ng student manager at dalawang ball boys ngunit ang misong team manager ay wala sa listahan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Team manager wala?' Netizens, inalmahan pagdawit sa ball boys na kakasuhan sa Ateneo