Ilang araw bago ang Undas, nagsimula na kahapong dumagsa sa mga bus terminal sa Quezon City ang magsisiuwian sa kani-kanilang lalawigan, at ilan sa kanila ang nairita sa napakahigpit na seguridad na ipinatutupad ng mga awtoridad.

Sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, mahaba at kalat-kalat ang pila ng mga iritadong pasahero na ang ilan ay nakasalampak na sa mga bangketa kahapon ng madaling araw sa paghihintay ng kanilang biyahe.

Sinabayan pa ito ng surprise inspection kahapon ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) sa mga bibiyaheng bus sa terminal.

Gayunman, sinabi ni Joey de Guzman, chairman ng Barangay Socorro na sumasaklaw sa Araneta Bus Terminal, na hindi pa ito ang peak ng dagsa ng mga pasahero, na inaasahan pa pagkatapos ng office hours ngayong Biyernes o sa weekend.

Eleksyon

Manny Pacquiao, binati mga nangunang senador: ‘Nawa’y maging tapat ang inyong paglilingkod’

Dahil sa mahabang bakasyon, sinabi ni De Guzman na inaasahan niyang papalo sa mahigit 8,000 ang pasaherong dadagsa ngayong taon sa terminal, higit sa naitala noong 2015.

Pinayuhan naman ni De Guzman ang mga pasahero na dumating nang mas maaga sa itinakda nilang biyahe upang makaiwas sa abala, dahil magiging masusi ang pag-iinspeksiyon ng mga awtoridad sa mga bagahe para sa kaligtasan na rin ng mga pasahero.

LAKBAY ALALAY IKINASA

Sisimulan na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH), dakong 5:00 ng hapon ngayong Biyernes ang motorist assistance program nitong “Lakbay Alalay”, na tatagal hanggang hatinggabi ng Nobyembre 2, Miyerkules.

Ayon sa DPWH, makikipag-ugnayan din ang mga Lakbay Alalay team sa LTO, pulisya at mga lokal na pamahalaan sakaling kailanganin ng mga ito ang serbisyo ng kagawaran.

Personal ding nag-inspeksiyon kahapon sina Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal sa mga domestic terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaugnay ng simula ng dagsa ng mga pasahero.

ILANG KALSADA SA MAYNILA ISASARA

Samantala, tatlong araw namang isasara ang ilang kalsada na nakapaligid sa mga sementeryo sa Maynila kaugnay ng Undas.

Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), simula 5:00 ng umaga sa Linggo, Oktubre 30, hanggang 2:00 ng umaga sa Miyerkules, Nobyembre 2, ay hindi muna madadaanan ng mga motorista ang Aurora Boulevard mula Dimasalang Street hanggang Rizal Avenue.

Isasara rin ang Dimasalang St. mula sa Makiling hanggang Blumentritt; ang P. Guevarra St., mula Cavite hanggang Pampanga; Blumentritt mula A. Bonifacio hanggang P. Guevarra; Retiro, mula Dimasalang hanggang Blumentritt Exit; at Leonor Rivera, mula sa Cavite hanggang Aurora Boulevard.

Simula 12:00 ng hatinggabi ng Sabado, Oktubre 29, ay isasara na rin ang gate ng mga sementeryo sa Maynila para sa mga pribadong sasakyan.

MAGBAON NG PAGKAIN, INUMIN

Kasabay nito, nagpaalala naman sa publiko ang Department of Health (DoH) laban sa pagbili ng street food sa mga sementeryo upang makaiwas sa food poisoning at food-borne diseases, tulad ng diarrhea.

Payo ni Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial, mas makabubuti kung magbaon na lamang ng sariling pagkain at inumin ang mga magtutungo sa sementeryo upang matiyak na ligtas ang kanilang kakainin.

(CHITO CHAVEZ, ARGYLL CYRUS GEDUCOS at MARY ANN SANTIAGO)