HINDI pala close sina Yeng Constantino at Vice Ganda kahit madalas silang nagkikita bilang hurado sa Pinoy Boyband Superstar (PBS) at isa rin sa judges ang Pop Rock Princess sa “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime.
Sabi ni Yeng sa isang contestant ng Pinoy Boyband Superstar na umere noong Sabado, “Parang lumipas lang siya (Sef Hynard) and you want that in a group (band), dapat nagmarka ka.”
Nasabi namin ito dahil sa tuwing mapapanood namin ang PBS ay laging nagmamarka sa amin ang mga sinasabi sa contestants ng mga huradong sina Aga Muhlach, Sandara Park, Yeng at Vice bagamat hindi sila nagkakaisa ng pananaw kung minsan.
Madalas na magkasalungat sina Yeng at Vice, kaya tinanong ang una kung hindi ba sila nagkakapikunan ng Unkabogable Phenomenal Star dahil kung minsan ay nahuhuli ng kamera na nag-iiba ang facial expression ng dalawa sa isa’t isa.
“Hindi naman po, kami ni Vice ‘yung tipo na very casual kami, aminin ko kasi na talagang nai-starstruck pa rin ako sa kanya hanggang ngayon, medyo nahihiya pa rin nga ako para sa kanya.
“Halos everyday nga kami magkasama sa Showtime, hindi kami ‘yung chummy-chummy talaga, ano kami very casual. Nandoon pa rin ako sa side ‘yung nafa-fascinate pa rin kasi ako sa kanya,” paliwanag ni Yeng.
Kung minsan kasi ay ‘yes’ si Yeng at ‘no’ naman si Vice, at may comment na hindi maganda, wala pang sakit na nararamdaman ang songwriter.
“Hindi naman ako nahu-hurt kapag may nasasabing hindi maganda, hindi kasi ako ganu’n type na person.
“Katwiran ko kasi, opinyon mo ‘yun, ako may opinyon naman ako na iba. Pero if I know na medyo masasagasaan ko ‘yung opinyon niya, I make sure na yayakapin ko siya (Vice) after (the show). Ako po ‘yung ganu’n person na. Hindi lang po siguro ganu’n ‘yung relationship namin, pero hindi kami magkaaway, nandoon lang po kami.
“And I believe that relationship, nade-develop through time at hindi pinipilit. Kung sakaling maging close, eh, di ang saya-saya ko naman,” paliwanag ng Pop Rock Pricness.
Ang maganda, iginawa pala ni Yeng ng kanta si Vice.
“Nakaabang lang po. Actually, si Vice ang nag-request kay Kuya Jonathan (Manalo), ‘uy, ipasulat mo naman ako ng song from Yeng.’ So bago ko iparinig kay Vice, binuo muna ni Kuya Jonathan ‘yung areglo. Ano siya, happy ‘yung melody, pero ‘yung lyrics, medyo sad. Magaan lang, hindi masyadong cry-cry kasi si Vice comedian.”
Hayan klaro na, hindi magkaaway o nagkakapikunan sina Yeng at Vice, chill lang sila sa isa’t isa. (Reggee Bonoan)