Sa loob mismo ng kanyang bahay tumimbuwang ang isang drug pusher matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Navotas City, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Police Sr. Supt. Dante Novicio, hepe ng Navotas Police, dead on the spot ang suspek na si Ronald Kalaw, 35, ng Barangay San Jose ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Aniya, dakong 8:15 ng gabi, ikinasa ang buy-bust operation sa lugar ni Kalaw kung saan nagpanggap ang isang operatiba na bibili ng shabu sa una.
“Hindi n’ya (suspek) pinagbilhan ‘yung buyer kasi parang nakalahata siya na pulis ang kaharap n’ya, kaya kumaripas ito papalayo,” ani Novicio.
Hinabol daw ng mga pulis ang suspek at nang makarating sa loob ng kanyang bahay, kumuha ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga awtoridad hanggang sa tuluyan siyang bumulagta.
Nabatid na sumuko na sa ‘Oplan Tokhang’ si Kalaw, ngunit bumalik pa rin ito sa pagbebenta ng ilegal na droga.
“Akala kasi nung suspek walang nagmo-monitor sa kanyang ginagawa at hindi namin malalaman,” sambit ni Novicio.
(Orly L. Barcala)