VENICE, Florida – Umusad sa final stage ng LPGA Qualifying sina Pinay golfer Princess Superal, Mia Piccio at Regan de Guzman matapos ang impresibong kampanya sa final round ng Stage II meet nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Natipa ni Superal, premyadong golfer sa Philippine ladies professional tour, ang 73 para sa kabuuang 294 para sa sosyong ika-40 puwesto sa Plantation Golf and Country Club dito.
Kabuuang 84 player mula sa 29 bansa ang nakalusot para sa final stage na gaganapin sa Nov. 28 hanggang Dec. 4 sa Daytona Beach, Florida.
Ang final stage ng Q-School ay 90-hole stroke play event.
Tumapos si Piccio na may 73 para sa kabuuang 296 at sosyong ika-52, habang si De Guzman ay kumana ng 75 para sa sosyong 62 puwesto tangan ang kabuuang iskor na 297.
Nanguna si Marianne Skarpnord ng Norway sa natipang 71 para sa kabuuang 11-under 277.
Bumuntot si British amateur star Bronte Law na may 282 matapos kumubra ng 69.