CAUAYAN CITY, Isabela – Personal na ininspeksiyon kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa, kasama si Police Regional Office (PRO)-2 Director Chief Supt. Gilbert Sosa, ang shabu laboratory sa Maharlika Highway sa lungsod na ito, na sa pagsalakay nitong Linggo ng hapon ay dalawang pinaniniwalaang Taiwanese ang napatay.

Ayon kay Supt. Ariel Quilang, hepe ng Cauayan City Police, nakumpirma nitong Linggo ng hapon na isang multi-milyong pisong shabu lab ang nasa bodega na ginagamit umano bilang tindahan ng ukay-ukay at iba pang utensils.

Tatlong buwang tinugaygayan ng pulisya ang bodega bago ito sinalakay.

Sinabi rin ni Quilang na ang bodega ay pagmamay-ari ni Manny Tiu, dating mayor ng Luna, Isabela.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dakong 4:00 ng hapon nitong Linggo nang isilbi ng mga pulis, kasama ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 2 ang search warrant sa bodega na nasa #101 Prenza, Maharlika Highway sa Cauayan.

Nagkaroon umano ng engkuwentro sa pagitan ng mga suspect at ng arresting team at napatay sina Kim Punzalan Uy, alyas “Atong Lee”, “Chua” at “Lung”, nasa hustong gulang; at isa pang lalaki na kinilala lang sa pangalang She Cangbo.

Nasamsam sa lugar ang iba’t ibang chemical precursor and essential chemicals (CPECs), laboratory equipment at apparatus sa paggawa ng shabu, isang .45 caliber pistol na kargado ng mga bala, isang .9mm machine pistol, isang Toyota Hilux (ABB-3553), at iba’t ibang dokumento.

Ayon kay Quilang, ang bawat isa sa mga asul na container na nasabat sa bodega ay nakakapag-produce ng 200 kilo hanggang 400 kilo ng shabu. (LIEZLE BASA IÑIGO)