ISA sa mga sektor na bumubuo sa ating lipunan ay ang mga kababayan nating may kapansanan o persons with disability (PWDs). Mababanggit na halimbawa ang binabanggit sa isang awitin na may pamagat na, “Doon Po Sa Aming Bayan ng San Roque”. Sila’y apat na pulubi na pilay, pipi, bulag at bingi. Ngunit sa kabila ng kanilang kapansanan, may sari-sarili silang kakayahan. Batay sa awit, nagkatuwaan sila. Tumugtog ang pipi, nagsayaw ang pilay, nanood ang bulag at nakinig ang bingi. Tulad ng apat na pulubi, ang iba pang PWD ay may sariling talento at kakayahan sa iba’t ibang larangan. Nagtatagumpay at nagbibigay ng karangalan hindi lamang sa kanilang pamilya, kapwa may kapansanan, kundi maging sa ating bansa.

Ang mga PWD, sa kabila ng kanilang kapansanan, ay nagsisikap sa buhay. Sila’y naghahanap-buhay o kaya’y namamasukan bilang kasambahay. Sa mga bayan at lungsod sa mga lalawigan, ang mga PWD ay tinutulungan ng mga lokal na pamahalaan at ng iba’t ibang samahan na may puso sa pagtulong sa mga may kapansanan. Ang mga PWD ay may sarili na ring samahan.

At sa lalawigan ng Rizal, ang mga lumpo at pilay ay kinakalinga sa “Tahanang Walang Hagdanan” na matatagpuan Cainta, Rizal. Ang mga may kapansanan doon ay nagkakaligawan at nagpapakasal.

Sa Antipolo, ang mga PWD ay hindi nakalilimutang tulungan ng Pamahalaang Lungsod at ng mga samahan na laging tumutulong sa mga may kapansanan. At isa sa ginawang pagtulong ay ang pagbibigay ng mga wheelchair sa mga Antipolenyong may kapansanan.

Ito ay sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod at ng Operation Blessing Foundation (OBF). Layunin ng programa na matulungan at mapagaan ang buhay ng mga PWD at senior citizen. Umabot sa mahigit 200 wheelchair ang naipamigay sa mga Antipolenyo na nangangailangan nito simula pa noong 2014.

Sabi nga ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, “Hangga’t may nangangailangan, hindi po tayo titigil ang Pamahalaang Lungsod at ang Operation Blessing Foundation sa pamimigay ng wheelchair. Sa ganitong paraan po ay paraang tayo na mismo ang umaakay sa kanila upang maramdamn nila na buhay pa rin ang diwa ng pagtutulungan at pakikipagkapwa-tao.

Mangyari po lamang na ipagbigay alam ninyo sa amin ang mga nangangailangan ng mga wheelchair”.

Ipinaabot naman ni wheelchair coordinator Gino Sherwin, ng Operation... Blessing Foundation ang kanilang pasasalamat kay Mayor Jun Ynares sa walang sawa nitong pakikipag-ugnayan sa OBF upang matulungan ang mga nangangailangn ng wheelchair. Bukod sa wheelchair, ang pamahalaang lungsod ng Antipolo ay namigay rin ng mga stroller, walker at saklay.

Halos maluha ang mga nakatanggap ng tulong sa pagpapaabot ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa kay Mayor Ynares.

(Clemen Bautista)