Patay ang isang lalaki matapos masalpok ng isang motorsiklo habang tumatawid sa isang kalsada sa Binondo, Maynila, nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Hener Bengo, 51, ng Plaza Binondo, na nasawi dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Samantala, arestado naman at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver ng motorsiklo na si Meejay Mamaril, 20, service crew, ng 134 9th Avenue, West Grace Park, Caloocan City.

Sa pagsisiyasat ni PO2 John Mark Estrada, may hawak ng kaso, ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD)-Special Investigation and Detection Branch, dakong 8:45 ng umaga nangyari ang insidente sa Juan Luna Street, malapit sa kanto ng Dasmariñas St., Binondo.

Probinsya

Magnitude 4.2 na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Sakay si Mamaril sa kanyang Mitsukosi Bonus Motorcycle (BC 10406) at bumibiyahe sa southbound lane ng Juan Luna Street, at pagsapit sa lugar ng pinangyarihan ay bigla na lang umanong tumawid ang biktima kaya nabangga niya ito.

Isinugod pa ang biktima sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ngunit hindi na umabot pa ang buhay nito.

(Mary Ann Santiago)