Mga Laro Ngayon
(Smart -Araneta Coliseum)
2 pm UST vs. De La Salle
4 pm Ateneo vs.NU
Mapalawig pa hanggang 11 sunod ang kanilang winning streak upang ganap na makausad sa Final Four ang tatangkain ng nangungunang De La Salle sa muli nitong pakikipagtuos sa season host University of Santo Tomas ngayong hapon sa UAAP Season 79 men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Magtutuos ang dalawang koponan sa unang laro ngayong 2:00 ng hapon na susundan ng tapatan ng Ateneo de Manila at National University sa ganap na 4:00 ng hapon.
Matatandaang tinambakan ng Green Archers ang Growling Tigers ng kabuuang 38-puntos, na siyang league record sa ngayon bilng pinakamalaking winning margin, sa una nilang pagtatagpo sa unang ikot ng eliminasyon s iskor na 100-62.
Ang masaklap na kabiguan ang gustong burahin ng Tigers sa muli nilang pagtutuos ng Archers.
Sariwa pa sa importanteng panalo kontra National University sa huli nilang laro, bibitbitin ng Tigers ang inspirasyon sa naitalang ikatlong panalo sa loob ng sampung laro sa Bulldogs para patuloy na buhayin ang kanilang tsansang makahabol sa Final Four.
Tatangkain ng Tigers na maging unang koponang tatapos sa pamamayagpag ng Green Archers at umangat mula sa pagkakabuhol nila ng University of the Philippines sa 6th spot hawak ang barahang 3-7.
Samantala sa tampok na laro, sisikapin din ng Bulldogs na bumangon sa natamong ikatlong sunod na pagkatalo kontra Ateneo Blue Eagles upang makaahon sa kinahulugang ikalimang puwesto hawak ang barahang 4-6, panalo- talo para makahabol sa susunod na round.
Inaasahan naman hindi basta na lamang ito pahihintulutan ng Ateneo (5-4)na tiyak na babawi sa 60-70 kabiguan nila noong first round sa NU upang patatagin ang kapit nila sa ikatlong puwesto. (Marivic Awitan)