BAGUIO CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang Kalinga, Abra at Apayao matapos ang matinding pinsalang idinulot sa mga ari-arian, kabuhayan at pagkasawi ng 14 dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Lawin’ sa Cordillera.

Nabatid kay Office of Civil Defense (OCD)-Cordillera Director Alex Uy, chairperson ng Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CRDRRMC), na posibleng magdeklara rin ng state of calamity ang Ifugao, Benguet at Mountain Province, na kinukumpleto pa ngayon ang evaluation report sa naging pinsala ng Lawin sa nabanggit na mga probinsiya.

Isolated ngayon ang Mt. Province matapos masira ang tatlong highway na papasok sa kabiserang Bontoc.

Ayon kay Uy, nagdulot naman ng malaking road cut sa Banaue-Bontoc Road ang landslide sa Barangay Bayyo, inanod ng umapaw na ilog ang temporary bridge sa Sabangan-Bontoc Road, samantalang sarado rin ang Tabuk-Bontoc Road dahil sa landslide sa malaking bahagi ng highway.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Tinatayang aabutin pa ng dalawang buwan bago maibalik ang supply ng kuryente sa Kalinga.

Dahil sa landslide, nananatiling sarado ang mga daan patungong Tabuc, gaya ng Kalinga-Abra Road, Lubuagan-Bontoc, Pinukpuk–Balbalan at Abbut–Pinukpuk.

Pinalubog din ng bagyo ang maraming palayan sa rehiyon, na sa kabuuan ay tinaya sa P26,162,377 ang pinsala sa agrikultura.

GULAY NAGMAHAL; KURYENTE MATATAGALAN PA

Sa Villasis, sinabi ni Mayor Nato Abrenica na bahagyang tumaas ang presyo ng gulay matapos na bahain ang mga hindi pa naaani.

Samantala, batay sa huling ulat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), 96 na poste ng kuryente ang tumagilid habang 72 naman ang bumagsak sa Cagayan, Apayao, Kalinga at hilagang Isabela.

Ayon kay Lilibeth Gaydowen, ng NGCP, aabutin pa ng walong araw, o hanggang Oktubre 29 pa makukumpleto ang pagsasaayos sa mga napinsalang transmission lines. (Rizaldy Comanda at Liezle Basa Iñigo)