Isang lalaki, hinihinalang holdaper, ang napatay ng mga pulis matapos umano nitong tangkaing patayin ang kanilang lider na sumita sa kanya dahil sa pag-iingat ng armas at pagala-gala sa isang madilim na lugar sa Sta. Cruz, Maynila, nitong Huwebes ng gabi.

Ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Gilbert”, ay tinatayang nasa edad 35-40, may taas na 5’2”, may tattoo sa katawan, nakasuot ng gray na t-shirt, berdeng bull cap, at maong shorts.

Sa pagsisiyasat ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:20 ng gabi nangyari ang insidente sa harapan ng isang bodega sa 2822 Rizal Avenue, sa Sta. Cruz, Maynila.

Bago ang insidente ay nakatanggap ng tawag si SPO4 Mardonio Abuna, desk officer ng MPD-Station 3, kaugnay sa kahina-hinalang kilos ng isang lalaki na pagala-gala sa panulukan ng Rizal Avenue at Pampanga Street, Sta. Cruz, Maynila.

National

143 Pinoy, pinagkalooban ng pardon ng UAE – PBBM

Mabilis namang rumesponde si Police Sr. Insp. Anthony Sy at kanyang mga tauhan sa nasabing lugar at namataan ang suspek. Dito na sinita ni Sy ang lalaki ngunit nang lapitan niya ay bigla na lang umano siyang tinangkang paputukan.

Hindi na nag-aksaya ng panahon ang kanyang mga tauhan at kaagad na pinaputukan ang suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. (Mary Ann Santiago)